#UPRHSBNW2020: WIKANG FILIPINO TUNGO SA PAGKAKAISA, PAGTATANGGOL, AT PAGPAPAGALING NG BAYAN
- Samahang Diwa at Panitik
- Aug 6, 2020
- 2 min read

Ngayong taon, napili ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang temang “Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika: Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra-Pandemya” bilang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa. Gayundin naman, naglabas ang Sentro ng Wikang Filipino - UP Diliman ng sarili nitong tema: “Wikang Filipino Tungo sa Pagkakaisa, Pagtatanggol, at Pagpapagaling ng Bayan.”
Kapwa napapanahon ang dalawang tema ngayong humaharap ang bansa sa isang matinding krisis pangkalusugan na nagkaroon na rin ng malaking epekto sa kabuhayan ng mga Pilipino. Subalit matapos ang paglilimi ng mga guro ng Departamento ng Filipino, minabuting gamitin ang temang binuo ng UP SWF sapagkat higit nitong sinasalamin ang tunguhin ng Departamento sa pagsasagawa ng mga gawain sa taong ito.
Samot-saring usapin ang lumitaw sa nakalipas na mga buwan. Dulot ng pandemyang COVID-19, milyon ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng maraming industriya. Lalong nalantad ang dati nang malalang kalagayan ng serbisyong pangkalusugan sa bansa. Kasunod nito, nag-alab ang panawagan ng publiko para sa mabilis na pagtugon ng gobyerno sa pangangailangan ng mga mamamayan tulad ng ayuda at pagpapalakas sa mga pasilidad na kakalinga sa mga tatamaan ng sakit. Subalit nagpapatuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 at wala pa ring kongkretong ibinubunga ang mga pangako ng pamahalaan. Sa halip, tumindi ang militarisasyon sa iba't ibang bahagi ng bansa, ipinasa ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020 at, kamakailan lamang, tinanggal ang prangkisa ng ABS-CBN.
Dito pumapasok ang tungkulin ng wika. Sa panahon na esensyal sa ating pag-iral ang impormasyon, instrumental ang nauunawaang wika ng mga mamamayan. Sa pamamagitan nito, nakalilikha ang publiko ng matalinong pagpapasya at panghuhusga sa kanyang mga nababasa, napapakinggan, at napapanood. Nabibigyan ang sambayanan ng kapangyarihan upang kilalanin ang tama at wasto sa mali at di-makatarungan. Kaya naman, ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa UPRHS ay kaisa sa pagtataguyod at pagsusulong ng wikang Filipino at mga wika sa Pilipinas at ng mga mananalita nito tungo sa nagkakaisang pagbubuo ng isang malusog, malaya, at makatarungang bansang Filipino.
(Lubos na nagpapasalamat ang UPRHS Departamento ng Filipino sa mga sumusunod: Sentro ng Wikang Filipino - UP Diliman para sa tema, Bulatlat para sa ilang larawang ginamit sa poster, at kay Elise Marielle Bucu sa kanyang pagbabahagi ng malikhaing interpretasyon sa tema ng BNW ngayong taon.)
Ang mga gawaing kaugnay ng #UPRHSBNW2020 ay inihanda ng UPRHS Departamento ng Filipino para sa mga mag-aaral at guro sa Filipino. Dahil sa pasya ng UPRHS Co-Curricular Committee hinggil sa mga gawaing ko-kurikular, hindi muna papayagang atasan ang mga kasapi ng SDP ng mga gawain at responsibilidad kaugnay ng #UPRHSBNW2020 habang wala pang opisyal na pagsisimula ng face-to-face na klase.
Comments