Ang Suliranin at Hamon sa Pagsasakasaysayan ng SDP Bilang Pinakamatandang Organisasyon sa UPRHS*
- Samahang Diwa at Panitik
- Jul 8, 2020
- 1 min read
Palasak nang binabanggit kapag ipinakikilala't inilalarawan ang Samahang Diwa at Panitik (SDP) na ito ang pinakamatandang organisasyong pangmag-aaral sa UP Rural High School (UPRHS). Bagaman tinanggap na ito ng karamihan bilang isang di-mapasusubaliang katotohanan, isang tanong ang palaging humahamon sa integridad ng pag-angkin sa katotohanang ito: kailan itinatag ang SDP? Isa itong suliraning mahirap lutasin, lalo na para sa isang tagapayo (club adviser) na tulad ko.
Sang-ayon sa mandato ng Philippine Legislative Act 3377, Section 4 na kilala sa National Vocational Act of 1927, itinatag at idinisenyo ang UPRHS bilang bokasyunal na paaralang sekundarya at nagsilbing laboratoryo ng sanayang pagtuturo para sa mga mag-aaral ng Edukasyong Agrikultural sa ilalim ng Departamento ng Edukasyong Agrikultural ng Kolehiyo ng Agrikultura ng UPLB. Mayo 1, 2003 naman nang maipatupad ang Bachelor of Science in Mathematics and Science Teaching Program, na nagpasailalim sa UPRHS sa pamamahala ng Kolehiyo ng Agham at Sining.
Kung 1928 nagsimulang mag-opereyt ang UPRHS, kailan kaya pinasinayaan ang SDP? 1928 din ba? 1929? O tulad kaya ng kapangalan nitong Kapisanang Diwa at Panitik na itinatag bandang dekada ‘50? Walang makapagsasabi (sa ngayon).
Gayunman, marahil ay hindi na kailangan pang usisain ang suliranin sa nakaraan ng samahan. Ano naman ngayon? Umunlad naman na ang samahan kahit pa may bahagi itong nalimot sa sariling kasaysayan. Bakit kailangan pa itong iproblematisa? Sapagkat naniniwala akong mahalaga ang paglingon sa kasaysayan. Sa pamamagitan nito, makahahakbang ang sinoman patungong hinaharap nang malay sa sariling pinagdaana’t pinagmulan.
Kaya naman bilang tugon sa suliranin at hamon ng pagsasakasaysayan ng SDP, isang panukalang proyekto ang tatangkain naming isakatuparan. Abangan.
*Panimulang borador ni John Carlo Cabilao, Tagapayo ng SDP mula T.P 2018-2021.
Comments