top of page

Ang Hardin ni Tatay Marvin

  • Writer: Samahang Diwa at Panitik
    Samahang Diwa at Panitik
  • Jul 9, 2020
  • 4 min read

Kapag nagsimula nang marinig ang awit ng mga kuliglig, siya rin namang pagsisimula ng ingay ng makina ni Tatay.


Sunud-sunod ang pagratsada ng makina niyang panahi. Brrrrrr-zzzzzz-brrrrrr-zzzzzz. Sa isang iglap, isang bulaklak! Brrrrrr-zzzzzz! Dalawang dahon! Maingay at walang humpay ang tunog ng kanyang makina. Ngunit, kahit pabrika ang tunog ay para namang mga malalabay na dahon sa sumasabay sa malambing na ihip ng hangin ang kanyang mga daliri. Bibilog dito, iikot doon. Maya-maya ay pa-zigzag na ang galaw, may mga hugis na tanging ang bihasa lamang niyang mga kamay ang makalilikha. Kaya nga, sa aming bayan, pinakamahusay yata si Tatay pagdating sa pagbuburda. Noon, marami silang nagsasalo-salo sa paglikha ng mga binurda pero siya na lang kasi ang naiwan sa mga nagbuburda. Nagsialisan na ang mga dating mananahi o ‘di kaya naman ay nagpalit na ng hanapbuhay. Wala raw pera sa mga burda.


“Matulog ka na, Jojo,” palaging sinasabi si Tatay sa akin kapag pinapanood ko siyang magburda sa gabi.


“Paano naman po ako makakatulog kung sunud-sunod ang ingay ng makina ninyo at saka nakakatuwa kasing panoorin ang mabilis ninyong paggawa,” sagot ko naman.

Titigil si Tatay sa pagbuburda. Ihahatid niya ako sa kuwarto ko, ihihiga sa kama, at babalutin ng kumot binurdahan ng pangalan ko sa malalaking titik:


J-O-J-O.


Palagi akong kinukuwentuhan ni Tatay kung gaano kagaling ding magburda si Nanay. Binuburdahan daw ni Nanay ang halos lahat ng gamit ko noong sanggol pa ako: lampin, kumot, punda, bimpo, tuwalya. Sabi ni Tatay, basta’t may tela ay buburdahan ni Nanay. Kahit daw ang paborito kong pranela noon, si Nanay ang nagburda. Para raw palagi niya akong nayayakap.


Nahihimbing ako sa mga kuwento ni Tatay. Mga kuwento tungkol kay Nanay at sa mga burda niya. Mahal na mahal daw niya si Nanay kaya hindi siya hihintong magburda. Hindi niya ititigil ang paglikha gamit ang mga sinulid at tela kahit daw wala ritong pera.


Noong nakaraang buwan, binuburdahan ni Tatay ang isang mahabang damit-pangkasal. Puting-puti at paminsan-minsan pang kumikislap kapag natatamaan ng liwanag. Halos araw-araw nang naglalamay si Tatay para matapos ang binuburda. Araw hanggang gabi ang ingay ng kanyang makina. Nang matapos, napuno ang damit-pangkasal ng maliliit ring puting bulaklak! Sa bandang dibdib ay may mga disenyong rosas at sa laylayan ay ganoon din!


“Rosas daw ang paborito ng ikakasal,” sabi niya. “Rosas din ang paborito ng Nanay mo.”


Noong nakaraang linggo, nagburda naman siya ng mga name tag para sa mga lingkod ni Santa Teresa. Napakaraming pangalan ang nakita ko. May mahahabang mga pangalan, mayroong maiikli. May pamilyar at mayroon ding kakaiba. Lahat ng mga name tag ay may maliit na lily sa gilid. Ito raw ang simbolo ng santa.


“Ito dapat ang pangalan mo, Jojo.”


Itinuro ang isang name tag: JOSEPH.


“Pero mas gusto ng Nanay mo na galing kay Lolo Jose ang ipapangalan sa iyo. Kaya Jose Marvin P. Buenaobra.” Ipinakita ni Tatay ang mga name tag na may pangalan ko. Ang ganda-ganda ng munting lily sa gilid ng pangalan ko.


“Siyempre, sa akin galing ang Marvin,” dagdag pang hirit ni Tatay.


Inilapat niya ang name tag sa aking dibdib. Tiningnan niya akong mabuti. “Magiging proud si Nanay sa iyo!”


Bihasang-bihasa na si Tatay sa paggawa ng mga name tag, ng mga bulaklak, ng mga dahon, at kung ano-ano pa. Mabilis ang kanyang mga daliri sa paglalagay ng sinulid sa karayom at simbilis din nito ang paglikha niya sa mga burda.


Nitong linggo lamang, may dumating na mga taga-ayos ng gaganaping Santacruzan sa susunod na buwan. Naging abala ang makina ni Tatay. Hindi napahinga sa paglikha. Gabi-gabi ang paggawa ng sinulid, makina, karayom, at mga tela. Limang damit-pansagala ang kailangan niyang palamutian ng mga bulaklak at ng mga dahon.


Manghang-mangha ako sa mga burda ni Tatay sa mga pang-Santacruzan. Ang blankong mga tela ay napupuno niya ng disenyong magaganda. May mahahabang sedang bestida. Ang ilan ay may paldang tila lobo sa laki samantalang mayroong makikitid ang baywang, at may mahahabang buntot. Ngunit anoman ang laki at hitsura, nabibigyan niya ng buhay ang malulungkot na kulay ng mga ito. Parang isang hardinero na nag-aalaga ng kanyang pinakaiingatang hardin.


Walang pasok kaya nakakapagpuyat ako at napapanood si Tatay. Gusto ko ring matutong magburda. Buburdahan ko rin ng pangalan ko ang aking mga gamit. Buburdahan ko rin ng rosas ang aking mga panyo. Buburdahan ko rin ng mga bulaklak at dahon ang aking mga damit. Magbuburda ako tulad sa kung paanong magburda sila ni Nanay. Isusuot ko ang aking mga gawa.


Dumating ang gabi ng Santacruzan. Suot-suot ng pinakamagagandang dalaga ng bayan ang mga ibinurda ni Tatay. Kitang-kita sa damit ni Reyna Esther ang mga burdang rosas. Napalamutian naman ng gintong mga dahon ang pulang-pulang kasuotan ni Reyna Sentenciada. Punumpuno naman ng mumunting mga bulaklak ang buntot sa kasuotan ni Reyna Judith. Dinisenyuhan ng isang malaking gumamela ang tila paldang lumobo ni Reyna Esperanza. Nginingitian ng mga dalaga si Tatay. Sinusuklian naman ni Tatay ng kaway at ngiti ang mga dalaga. Ngunit ang hindi matanggal ay ang kanyang tingin at pagngiti sa nilikha ng kanyang mga kamay.


“Ang gaganda naman ng mga gown!” sabi ng mga nanonood.


Nakaramdam ako ng pagmamalaki. “Siyempre, gawa iyan ng Tatay Marvin ko!” sabi ko sa sarili.


Mahaba ang naging sagala ngunit pinakaaabangan ang Reyna Elena. Pinakamagarbo ang kanyang karosa. Puting-puti dahil sa mga bulaklak na disenyo. At kung ano ang ikinaputi ng karosa ay ganoon din ang damit ng Reyna Elena. Balot ng puting mga burdang rosas ang puting-puti niyang damit na kumikislap pa sa liwanag ng mga lusis. Ang buntot ay puno rin ng mga bulaklak na pilak na tila nag-iiba-iba ng kulay. Manghang-mangha ang mga tao sa suot ng huling reyna.


“Nag-Reyna Elena rin si Nanay noong dalaga pa siya. Doon ko siya unang nakilala,” sabi niya habang nakatingin pa rin sa sumasagala.


Tiningnan kong mabuti ang suot ng Reyna Elena. Magiliw pa rin ang pagngiti nito sa mga nanonood sa kanya habang akay-akay ang isang batang may bitbit na krus. “Tatay, gusto ko ring magburda. Gusto ko ring maging katulad ninyo ni Nanay. Gusto ko ring makita ng mga tao ang aking mga burda.”


Inilipat ni Tatay ang tingin sa akin.


“At, Tatay, kapag natuto na akong magburda, pwede ko ba silang isuot? Gusto ko ring magsuot ng mahahabang gown na ikaw at ako mismo ang nagburda.”


Isinukbit niya ang kanyang kamay sa aking balikat at nginitian niya ako tulad ng kanyang pagngiti sa kanyang ibinurdang hardin.



*Maikling Kuwento ni Prof. Cris R. Lanzaderas. Kinuha ang teksto mula sa https://lutongngminuto.wordpress.com/2020/06/24/ang-hardin-ni-tatay-marvin/.

Bình luận


Post: Blog2 Post

UP Rural High School, Brgy. Paciano Rizal, Bay, Laguna, Philippines

  • Facebook
  • Twitter

©2020 ng Samahang Diwa at Panitik.

bottom of page